Thursday, December 8, 2011

walang 'di maaantig.



Nagsimulang umingay sa entablado, putok ng baril, sigaw ng isang lalaki, at maya-maya’y si Sisa na ang lumantad. Tuluyan na siyang tinakasan ng bait, ngunit namumutawi pa rin sa kanyang mga labi ang pangalan ng dalawa niyang minamahal na anak. Hindi na lubos na kinaya ng kanyang damdamin ang kapighatiang nag-uumapaw sa kanyang dibdib, ang kahihiyan, ang pagka-ulila. Samantala’y naulinigan siya ng anak na si Basilio, na dahil sa tama ng baril sa binti’y paikad-ikad nang patakbong humabol sa kanyang tulirong ina. Nang maabuta’y hindi pa siya agad na nakilala, paglao’y tila bumalik ang matinong ulirat ni Sisa, at pinupos ng halik ang kanyang panganay, niyakap, dinama ang pisngi nitong dinadaluyan ng maitim na luha dahil sa karungisan. Nakilala niya si Basilio, at naparamdamn niya rito ang kanyang walang kapantay na pagmamahal, bago siya tuluyang malagutan ng hininga. Balot ng pighati ang bawat hagulgol at pagsamo ni Basilio, at lubos na nakakalungkot na hindi na niya makakapiling pa nang buhay ang ina kahit pa isang dagat ang kanyang iluha. 

- bahagi ng buod na nilikha ng inyong lingkod para sa reaction paper sa PI 100 
sa produksyon ng Dulaang UP na Noli: The Opera
walang 'di maaantig. :'(
-HENO.

No comments: