Tuesday, December 20, 2011

Banglog.

Sabi ng text mate ko sa umagang ito, bangag na daw ako.
Ilang minuto na rin ang lumipas mula nung sumapit ang alas dos ng umaga. Siguro nga. Siguro nga bangag na talaga ko.


Kaso may nagtutulak talaga sa kin na pumindot pa sa keyboard. Baka pagsisisihan ko pa kapag hindi ko pinagbigyan 'tong udyok na 'to.


Mali ako. Kailangan ko na talagang matulog. Kasi nung magsimula na kong 'magsulat', bina-backspace ko lang yung karamihan sa mga tinatayp ko. Meron akong gustong sabihin, ipahayag. Pero dahil wala na nga ko sa matinong estado ng pag-iisip (dulot ng disruption sa aking circadian rhythm, WAH), at nagkagulo-gulo na ang mga bagay-bagay sa aking utak, pulos latak na lang ang nae-encode ng mga daliring ito. Langong mga brain cells, kamown.


Pinasadahan ko yung nauna kong tinayp. Babae. Pabago-bago ng isip. Naalala ko yung isa kong blockmate. Noong magkasabay pa kaming umuwi, madalas, food trip muna bago sumakay sa tren. Madalas din na naba-babae kami sa pagpili ng kakainang food stall. Gusto ko ng waffle, kaso katapat nun yung siomai, tas may katabi pang noodle stall. Sa huli, sa classic kwek-kwek at mango jelly din kami nauwi. Halagang bente singko pesos, solb ka na. 


Eto na naman tayo, self. Eto na naman ang nagkalat at tila mga kabuteng ideya na basta na lamang nagsulputan mula sa sulok-sulok ng iyong mahiwagang utak. Nariyan ka na nama't nakatitig sa monitor at sinisimot ang bawat salitang kaya pang abutin ng banidosong manunulat na nananahan sa iyong pagkatao. 


Masyado pang maaga para mag-almusal. Pero mukhang ubos na yata ang banglog na hain ng papalapit na bukang-liwayway. Isang oras na lang bago magsimula ang misa para sa ika-anim na araw ng simbang gabi. Apat na araw mula sa opisyal na itinakdang araw ng paggunita sa pagsilang ng Tagapagligtas. At ilang sandali na lamang bago tuluyang maputol ang --


Ang bangag na blog. Bow.



No comments: