[it's not over]
Ayoko noon sa Risci. Ayoko, kasi, mas gusto ko ang Antipolo (syempre), at hindi ko kayang mabuhay nang walang TV at wala ang mama ko – kahit pa lagi niya kong pinapagalitan (eh kasalanan ko naman). Ayoko sa Risci kasi sila mama at papa lang ang may gusto. Eh bakit ba kasi nila ko pinapakealaman, sabi ko noon (naughty L). At isa pa, ayoko sa Risci, kasi, ma-la-yo. Jeep? Eh sa traysikel pa nga lang hirap na ko jeep pa kaya?! Ah, basta, ayako talaga.
Sabi nga nila, "anak ka lang." Kaya, WALA AKONG NAGAWA. Alas-singko pa lang yata ng umaga nasa Risci na kame. Ganyan ka-excited ang mama ko. Sabagay, magkaron ka ba naman ng anak na mag-aaral sa Rizal National Science High School.. Take note, Science hayskul to 'tol, hindi basta basta mga nakakapasa at nakakapag-aral dito. Kung sunugan daw ng kilay ang pag-uusapan, eh hindi lang kilay ang willing na sunugin. Kalbo na raw kakaaral. Haha, sori napasobra ata. Kaya iyon na nga, sino ba naman kasing magulang ang hindi magiging proud na may anak silang scholar diba?
Ayan, so medyo may buwan at bituin pa noon, nung dumating nga kame sa Risci para sa first screening. Nakakatawa nga dahil hindi lang pala ang mama ko ang super excited na pabangunin ang mga anak nilang tumutulo pa ang laway sa kama, maligo ng malamig na tubig at magbyahe nang halos isang oras papunta sa paaralang 'to. Eh kulang na lang unahan na nilang tumilaok ang mga manok eh, tsk tsk. May mga nadatnan kaming MAS MAAGA PA YATA SA AMIN. Hmm, baka hindi na sila natulog sa sobrang kasabikan, jowk.
Nang dumami-dami na ang mga dumadating kasabay ng paglitaw ni haring araw, hala, nagsimula nang magtalunan ang mga daga ko sa dibdib. Pano ba naman kasi, si ganito't ganyan eh dala pa yata ang bahay nila sa dami ng mga librong nire-review, samantalang ako, baon lang yata dala ko, pero syempre, hindi naman po mawawala ang tatlong sandata ko: lapis, papel, at fighting spirit. Eh kasi naman, yung gabi bago yung araw na 'yon, saka ko lang napagtanto na kailangan kong magreview. At sa dinami-dami ng mga librong babasahin, Math textbook pa ang nahablot ko. Math?! Eh kailangan ko talaga ang isang gurong maaa-haaaa-baaaa ang pasensya para matatak sa isip ko ang isang lesson!
Isa sa mga kinawilihan ko noong tumuntong ako sa Risci ay yung mga tanong na nakasabit sa mga halaman. Nasagot ko ang iba sa mga yun, at feeling ko kaya ko nang ipasa ang exam. Yun pala, to the highest level pa ang mga tanong sa exam. Ayan, nadalâ ang lola niyo. January 20, 2005, si Madam Nido ang proctor namen.
Ilang linggo matapos ang first screening, nalaman kong pasado ako. Talaga?!, sabi ko. Ibig sabihin lang daw nito, sasabak pa ko sa second screening. Anu ba 'yan, para pala talagang dumadaan ang studyante sa butas ng pinung-pinong screen sa pagpasok sa Risci, tsk tsk. Natapos ang lahat ng screening… hay salamat. Daig pa yata namen ang mga napapanuod natin sa Ripley's Believe It or Not kung pagpasok sa butas ng screen ang pag-uusapan. Haha, nagjowk na naman ako. Ayun nga, PASADO AKO.
Eh dadaigin pa yata namin ang pagpasok sa mga pinong butas nang malaman ko na may Levelling Classes pa ng May! Aba, eh hindi na butas ng screen 'tong pinapasok namen, butas na yata 'to ng kumot. Tsk tsk. Pumayag na nga akong mag-aral sa Risci eh (teka, nasabi ko na nga ba, ah, haha, kasasabi ko nga lang J), pati ba naman bakasyon ko?! Habang abala ang karamihang kasing edad namin sa pagtatampisaw sa dagat, kami, ang mga pumasa sa Mataas na Paaralang Pang-agaham ng Rizal, ay maagang humarap sa katotohanan. Pero sabagay, malaki naman ang naitulong ng lumelevel na Levelling Classes namin noon (huwag na lang akong maging bitter, haha).
At dahil halos isang oras ang paglalakbay mula Antipolo hanggang Batingan, kinailangan kong magdorm. Dorm. Dorm?! Ano?! Mabilis na tumakbo ang mga bagay-bagay sa isip ko tungkol sa pamumuhay nang mag-isa. Walang TV. Walang mama at papa. Walang makukulit na kapatid. Walang tiyak na masarap na pagkain. Walang sariling electricfan. Hala. Pinroblema ko ang lahat ng wala. Pano na 'to?!, sabi ko.
Hindi ako nagdorm sa unang Linggo, ang araw bago ang unang pasok ko sa Risci. Hinatid lang ako ni Papa at ng kapatid ko noong umaga ng Lunes hanggang sa gate ng dorm na lang. (hala, madrama na to) Noon na nagsimula ang kalbaryo ng pagka-homesick ko. Habang inaayos ang mga damit ko para sa ilang araw pang pananatili ko sa dorm, nakatago ako sa isa sa mga pisngi ng pansara ng cabinet ko, umiiyak. Hindi nga, mahirap talagang mag-adjust noong mga panahong iyon. Kahit pa lagi akong sinesermonan ng mama't papa ko dahil sa katigasan ng ulo ko, kahit pa umuusok ang ilong ko sa kakulitan ng mga kapatid ko, mas gusto ko pa rin silang kasama (ikee, touch na sila).
Ang unang taon nga ang pinakamahirap na taon sa lahat. Sa unang taon ko sa Risci naransan ang lahat ng uri ng adjustments sa buhay-hayskul. Mula sa pamumuhay nang mag-isa na ang uwi sa bahay ay tuwing gabi ng Biyernes at aalis (balik sa dorm) muli tuwing Linggo ng hapon hanggang sa mga kamag-aral na halos pati pag-aaral ko sa Risci ay pinagsisisihan ko na dahil sa 'pambu-bully' nila sa akin.
Love ang section ko nung first year. Kaklase ko ang dalawa sa mga kasamahan ko sa dorm – sina Flor at Mary Earl. Noong una, mega maldita ang impresyon ko kay Earl. Dahil maingay siya, maarte, at mayaman. Hindi ko inakala na siya pa ang unang taong karamay ko sa kalandian (bakit, natural lang naman 'to diba? DEFENSIVE). Hindi ko makakalimutan ang mga panahong bukod sa pagno-notes sa Statistics ay todo daldal kami tungkol sa 'crush' namen. Pero sikreto na kung sino 'yon, haha.
Isa din sa mga di-makakalimutang 'experience' ko nung first year ay ang pagkakaroon ng kaaway. Lahat ng malalaking tao sa klase namen – Oren, Roman, Lester – ay nakaaway ko. Lagi nila kong pinagkaka-isahan – tulad ng ginagawa nila sa iba, gaya ni Mary na hinagisan ng 1.5 na plastic na bote ng Coke, at ni Momo.. no comment – at sila din ang mga pasimuno kung bakit ga-graduate ako sa Risci nang maraming 'pangalan'. Biruin niyo, ipinangalan ba naman sa 'kin ang kontrabida sa Pokemon? GIOVANNI. At di pa nakuntento, tinawag pa 'ko ni Lester na BASURA (ouch, jowk).
Hindi ko rin pwedeng palagpasin ang unang offense ko, kasama ng ibang kapwa ko first year na dormer, na diretso sa Office of the Principal. Isa iyon sa pinakamalalaking isyu sa batch namin. Pero, past is past. Hanggang dito na lang ang usaping ito. Ahaha. Basta hindi ko rin 'to makakalimutan. Hindi kaya naka-uwi sa tamang oras ang batch 8 non.
Matapos kong maisalba ang buhay ko noong first year, mula sa pag-iyak sa patung-patonng na assignments hanggang sa pagpila sa disburcing office tuwing bago mag-quarter exams, bagong mga karanasan na naman ang hinarap ko noong second year.
Unang-una, nahiwalay ako sa mga dating kasamahan ko sa kwarto sa dorm, at mga third year ang mga taong nakapiling ko sa ibang room. Okay lang 'yon sa 'kin, dahil, haler, nahiwalay lang kaya kame, hindi naman kaya ako umalis noh. Pero syempre, bagong hamon na naman 'yon para sa akin. Higher years ang mga kasama ko at hindi mga ka-edaran ko. At take note, sila ang batch na talagang naging ‘kaaway’ ng batch namin.
Sila sina Ate Ericka, Ate Joan, Ate Julie Rose at Ate Alexis. Iba-ibang personalidad, may mahinhin, sporty, maingay, walang magawa sa buhay, gustong maging druglord sa future (pero jowk lang daw po ito), at magaling sa math. Sa kanilang lahat, sina Ate Ericka at Ate Joan ang matagal kong nakasama at naka-bondingan. Marahil ay hindi naging maganda ang first impressions ko sa kanila noong una, ngunit nang magtagal, parang mga batchmate ko na rin sila. Kasa-kasama sa puyatan, pag-iingay at iyakan (may ganun?!). Isang malaking challenge nga sa akin ang pangalawang taon ko sa dorm, hindi lang dahil sa ibang year ang kasama ko, kundi dahil sa mga panahong iyon ako nalayô sa Dersmor – ang barkada ko (korni ng pangalan noh?).
Nakakalungkot din dahil sa pagtatapos ng taong 'to, kinailangan nang lumipat sa ibang paaralan ang isa sa mga kaibigan ko sa dorm – si Gail Cote.
Pangalawa sa mga hamon na hinarap ko noong second year ay ang section ko – Wisdom. Napabilang ako sa isang klaseng kinapapalooban pa ng iba't-ibang grupo. Ako kasi ang president noon. At naging mahirap para sa akin na pagka-isahin ang mga kaklase ko na may sari-sariling grupo. Dumating kami sa extent na umiyak na 'ko sa harapan nila dahil sa isa naming kamag-aral na medyo 'nae-alien' sa klase.. Nadala lang talaga siguro ako noon ng damdamin ko, haha. Pero, natural na talaga sa 'kin ang pagiging madrama (diba?).
Sa taon ding ito ako nagsimulang kumerengkeng. At sa taong hindi ko pa inaasahan. (alam naman po 'to ng mama ko eh. DEFENSIVE ULET?) Period. ^^
Ang pinakabata at pinakamasayang taon naman ay ang ikatlong taon ko sa Risci. Unang-una ay dahil sa adviser namin na si Sir Joven. Tatay Joven talaga ang tawag namin sa kanya dahil sobrang asikaso niya sa section namin. At tatay na tatay talaga po siya! Kaya nga bagay na bagay talaga sila ng nanay-effect naman na si Madam Jenny eh. Haha. O diba, sino bang hindi matutuwa sa kanila?
Kung sa mga kaklase naman, aba, ako na siguro ang isa sa pinakamaswerteng 'Honesty' ng batch 8. Pinagsama ni Lord ang mga dakilang payaso ng batch – sina Sedrik, Toni Ann, Henry, Bon Levin at isama na rin natin si Jorell – sa pangkat namen! Amen talaga! Hindi lilipas ang araw nang hindi kami tumatawa. Salamat talaga sa kanila, dahil kahit napakadami naming pinagkaka-abalahan noon ay napanatili pa rin namin ang aming kabataan dahil sa kanilang mga banat. Cute pa rin kame!
Ewan ko ba, pero pag nire-recall ko na ang mga pangyayari nung junior pa 'ko, wala akong ibang maalala kundi ang lahat ng katatawanan at nakaka-inspire na moments. Nakaka-inspire, kasi, nabigyan ako (at sina Gia at Francinn) ng pagkakataon na makasama sa isang leadership training na pinamunuan ng YLEAD, ang Future Leaders' Camp na ginanap sa Pomarada Resort sa Mahabang Parang Binangonan, kasama ang iba pang officers ng SSG '07-'08. Namis ko man noon ang paggawad sana sa akin ng award bilang pangalawa sa Pagsulat ng Sanaysay (Buwan ng Wika '07) noong Awarding Ceremonies ng JDC Club, hindi lang recognition of participation ang natamo ko doon sa training na iyon. Lumamat sa buong pagkatao ko ang mga natutunan ko sa camp na 'yon – kung paano maging isang tunay na lider – lider ng nakararami, ng kapwa at ng sarili. Sa camp na 'yon ko napagtanto na kahit na korni ang mga katagang "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan", ito naman ang katotohanan (naks, palakpakan naman jan, hehe).
Ang pinakabusy na mga araw ay naranasan ko ngayong senior na 'ko. Hindi ko makakalimutan ang unang araw ng klase kasi super smile talaga 'ko non. 'Di ko rin alam kung bakit.
Unang quarter pa lang talagang nayanig na 'ko ng mga dapat gawin. Unang-una, dahil sa totoo lang, sobrang pressured ako sa UPCAT non. Syempre, lahat naman kami gustong pumasa. At saka, nagsunud-sunod noon ang mga gawain ng club at org na pinamumunuan ko. Una, sa Seniors' Organization, mga paghahanda para sa intrams.. Tapos sa FSC (Future Scientist Club) naman. Nagkataon pa noon na nagkasakit ang president namin na si Jorell Quiben at wala naman akong magagawa kundi magtake-over dahil ako ang bise. Pero, sobrang pinagpapasalamat ko talaga kay Lord dahil hindi lang nag-enjoy ang lahat sa one-day load ng activities ng FSC, kumita pa kame (haha), salamat sa inyo. Syempre, talaga namang naging matagumpay ang gawain na ‘yon.. hay..
Hindi pa doon natapos ang lahat. Na-involve din ako sa mga extra-curricular activities na sa totoo lang eh first time sa history ko sa Risci. Sa Olymphysics, at lalung-lalo na sa mga Press Conferences. True love ko talaga ang pagsulat. Awa ni Lord, over-all champion ang Ang Aghamanon sa DSPC (Filipino). Syempre, dahil certified manunulat na 'ko nung mga panahong 'yon, may isang trabaho pang dapat gampanan – ang school paper. Huhu, mamimis ko din ang mga araw na tengga kami sa comlab at abala sa pag-eedit ng kanya-kanyang assigned na pahina. First time ko din 'to, kasi kahit tinatarget ko ang PressCon mula first year hanggang third year, hindi pa rin ako makapasok. Nung iniba ko ang medium ng pagsulat ko (English kasi ako noong una) nitong School PressCon, hayun, pasok me. J So hapi. At so hapi lalo nang matapos namin ang Tagalog na dyaryo ng paaralang ito. Masarap sa pakiramdam. Super.
Fortitude naman. Akala mo nasa bahay ka ni Kuya ng PBB nung iniisa-isa na ng adviser namin na si Sir Arada ang mga batas niya sa loob ng klase (pis tayo sir). Kumpara kay Sir Joven, si Sir Arada ay hindi 'tatay type' na adviser. Noong una siguro mahigpit talaga siya (bakit, hindi ba hanggang ngayon pa din naman?), pero nung tumagal-tagal na kami sa kanya at nagkasanayan na rin, parang kaklase na lang namin siya. 'Di mo alam nandyan na pala siya sa isang sulok ng room, naglalaro din ng PSP, o kaya nakikipag jamming sa mga lalake, lalo na nung Christmas Party.
Hay. Huling sabak din namin (Wayang Kuleet) ang taong 'to sa Battle of the Bands. Hindi naman kami sumali para manalo (dahil tanggap namin na imposible yun), sumali kami para ipakita ang galing ni Lord. J Masaya, hindi lang dahil sa masaya naman talaga ang BOB, masaya kasi nanood ang mama ko.. At kahit siya lang ang nakapanuod sa 'ken non, parang nakapanuod na rin ang papa ko at ang mga kapatid ko dahil sa kaka-kwento niya; kesyo mukha talaga akong lalaki at machong macho sa suot ko. Tsk tsk.
Isa rin sa mga napatunayan ko ngayong fourth year, eh yung pakiramdam ng fulfillent sa pagpapakahirap ng isang tao sa mga gusto niyang makamit (naks). Naipasa ko ang UPCAT, na kahit iisang exam lang 'di tulad ng pagpasok sa Risci eh parang dumaan din kami sa butas ng kumot. Totoong sobrang gaan sa loob kapag nakita mo ang bunga ng lahat ng paghihirap at pagtitiis mo. Kaya nga yun ang malaking nai-ambag sa 'kin ng Risci eh. Mahirap dito, oo, pero kung patuloy ko lang na ilulublob ang sarili ko sa ganong pag-iisip, malamang, first year pa lang ako talsik na 'ko dito. Dapat, kapag hinaharap tayo sa isang mahirap na bagay, unang-una, humingi tayo ng guidance mula kay Lord. Saka tayo mag-isip kung pano lulusot sa butas, kung pano lalagpasan ang mga nakahambalang, nang merong 'baon' sa huli.
_______________________________________
ayan pa LANG yan.
may sarili din kasing kwento ang 'bahay at pamilya' ko sa risci.
[it's not over]