Sunday, May 16, 2010

summer lunes. summer classes.

lunes. nasa bahay ako kaninang umaga nang mapabalikwas mula sa pagkakahiga. kamote. alas-singko na ng umaga. dinedma ko na naman ang alarm ng telepono ko.

sa kabila ng pagkabilasa dahil pakiramdam ko'y malelate ako sa klase, hindi naman ako nakalimot sa pagbati ng good morning kay Lord sa pamamagitan ng isang dasal. at bagamat wala pa masyado sa wisyo, binitbit ko na ang damit at bag na hinanda ko limang oras lang ang nakararaan, bago ako matulog. bumaba ako mula sa ikalawang palapag ng aming bahay at nadatnan si mama na kay aga eh bagong paligo na. masama kasi ang pakiramdam niya kahapon. naglaba, nagplansta, nagluto, nag-asikaso sa projects ni papa, naglinis ng bahay, hay. sa pag-iintindi niya sa min nakakalimutan na niyang intindihin pa ang sarili niya. :(

kung maaari nga lang eh hindi ko na kailangang mag-aral pa nang sa gayon ay masamahan ko si mama sa bahay at matulungan siya sa mga gawain niya. nalulungkot kasi ako sa tuwing nakikita siyang pagod at nagtitiis sa sakit na nararamdaman sa katawan. ganito nga siguro yung pakiramdam kapag nakikita mong hindi na ganoon kalakas ang mga magulang mo di tulad noong bata ka pa. nalulungkot talaga ko. hayy.

sabi ko na nga ba, hindi ko maiiwasang isingit sa blog na 'to ang mga iniisip ko tungkol sa mga magulang ko. nandyan lang naman si Lord na palaging gumagabay sa kanila sa kabila ng maraming alalahanin at dapat asikasuhin sa pamilya.

***
nakakatuyot ang klase kanina sa chem lab. sa kalagitnaan ng pag-eexperiment namin ay naramdaman ko ang aking lalamunan na naghahangad ng isang baso ng coke na maraming yelo. si katawan naman ay nais nang lumupasay sa malambot at malamig na kama, samantalang si mata ay nais nang sumara.

konting tiis na lang sarili, pitong araw na lamang ang iyong paghihirap at makalalasap ka rin ng ladindalawang oras ng tulog sa bahay, yakap ang paborito mong unan at hinahanginan ng bentilador na naka-set sa number 2 (industrial fan kasi eh, masyado na syang mahangin sa number 2 XD).

sa paglabas ko sa rh lobby (well, tapos na ang klase X)), napansin ko ang isang pusa na naka-upo at tila may inaantay sa malaking column sa entrada ng rh. binati ko sya,"ming."


..."meow", sagot niya. :))

Saturday, May 15, 2010

isang tahimik na hapon...

gumagawa ako ng assignment sa chem ngayon. malapit sa bintana, ilang maliliit na tinig ang sumagi sa aking tainga. mga batang naglalaro sa may bakuran ng katabi naming bahay. nagro-role playing sila:

vina (kunyari): lumayas ka bendita! hindi ka na namin mahal nina wowa at ng daddy mo!
agua (kunyari): wow! talaga mama? hindi na natin mahal si bendita? yehey!
**si agua na pala ang bully ngayon. XD

naputol ang eksena-kuno at maya-maya'y nag-away na sila kung sino dapat ang gumanap na agua:

bata1: ako, ako si agua!
bata2: hindi, ako si agua! ang kapal ng mukha!
bata1 at bata2: *sandaling sigawan, hindi ko na maintindihan yung mga sinabi nila*

ilang sandali pa'y narinig ko ang mabilis nilang pagtakbo palayo sa kung saan ay maigi ko silang nadidinig. ang isa'y humiyaw na parang isang ibon. tumakbo sila sa kalawakan ng manggahan, habang hindi pansin ang pagyakap sa kanila ng hangin na siya ring nagpapasayaw sa mga puno ng mangga. tumingla ako sa may bintana, umiihip ang hanging tila nalalaman na siya'y aking pinapansin. sumabay pa ang awit ng nagbubungguang dahon ng mga puno. sa di kalayua'y may tumilaok na manok, dumagdag pa sa ingay ang pagdaan ng isang traysikel na humaharurot. noon ko lamang napansin na naglaho na rin ang tinig ng yaong mga bata kanina. at ngayon ko lang din naalala na may gawain pa akong dapat tapusin at ipasa.#