Wednesday, April 27, 2011

nabubuhay ka sa isang magandang panaginip.

yung title, sinabi ng kontrabida sa koreanovela ni Tak Gu. nagbubugbugan na sila ngayon sa rooftop, dramatic yung bg sound, palitan sila ng ng kinabisadong script, kontra sa isa't isa, isang altruistic at isang makasarili. dehado si Tak Gu syempre, kinakabahan na nga yung bunso kong kapatid kasi baka mamatay yung bida. hindi naman niya kailangang mag-aala dahil di ko naman siya bibidyuhan sakaling maiyak siya pag 'namatay' si TakGu.

"Akala ko, akala ko mamatay na ko talaga," si TakGu (nakakainis paulitulit yung pangalan niya). akala ko din mamamatay na si Tak Gu, tas hahaba pa lalo ang storya. pansamantalang masusunod ang maiitim na balak ng kontrabida. yun pala buhay si TakGu, up for revenge. kapag nagkagayon matagal pa rin bago kami makapanood ng pelikula mula alas-diyes ng gabi kasi puputulin niya (ni bunso) yung pelikula at susubaybay sa Baker King (mahal, mahal na mahal kita.. ang puso ko'y iyong-iyo, asahan mong maghihintay...)

kaarawan ngayon ni mama. nanonood ng Baker King yung dalawa kong kapatid, yung isa patext-text lang, si mama papindot-pindot lang sa calculator kakakwenta ng mga ginastos sa project ni papa (na wala ngayon sa bahay) sa trabaho, ako pasundot-sundot sa keyboard. karaniwang araw 'to kung tutuusin. kaarawan ni mama, walang kantahan (as in videoke), walang inuman, walang maraming tao (na maiingay). pero kontento kaming lahat.

umiiyak si Matthew dahil napagtanto niyang mali ang tinahak niyang daan sa pagkamit sa pabor ng tatay niya. masaya kami (at si Tak Gu) kasi posibleng mabuhay tayo sa isang magandang panaginip.